Miyerkules, Agosto 15, 2012

Ang Dapat Gawin ng Naliligaw ng Landas



ITONG Landas, na tinahak noong unang panahon ng ating litong mga katauhan, noong hindi pa sumasagi sa mga isipang ito ang mga direksyon, ay napili sa lubos na kalituhan at kawalan. Kaakibat niya ang mga kamalian at lalung-lalo na ang mga pagsubok, sila ay tinahak at sinundan ng mga paa, mabagal ang pagliwanag ng lahat ng sulok, kayat dahil dito'y madilim ang hinaharap ng lahat. Lungko't lito at ilang mga emosyon ay madaling madama at maisip ng talagang lito nating mga sarili.
Dumating ang mga kaibigan at dumulog na tutulungan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo'y dadalin sa lalong kagalingan, at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing pagtulong ay nangyaring nauwi sa mali ng kanilang desisyon sa pagpili.Gayon man, sila'y nakatulong sa maliit na problema ng mga naliligaw na nalulungkot at binawasan ang kanilang pagkakaba sa pamamagitan ng isang paguusap na binubuo ng kaunting biro sa kani-kanilang mga mali, at yao'y tinanggap at inunawa nilang kapwa , tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na hindi magtataksil sa pagkakaibigan. Ito'y siyang tinuring na pangako ng kaibigan at ni Ella na naliligaw ng landas.
Buhat nang ito'y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong semestre mahigit na ang landas ni Ella ay ating hinahanap sa lubos na kaguluhan; ating tinatanaw at hinahabol, kahit abutin natin ang kasalatan at kapaguran. Ginugugol natin ang yaman, oras at buong kaisipan sa paghahanap sa kanila; Hinaharap natin lahat ng mahirap na mga pagsubok na ayaw pumayag na sa kanila ay makarating, at gayon din naman nakipagtalo tayo sa mga duda at mga kaba na nagbalak na umagaw sa kanila nitong tiwala.
Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang sa mga ginawa nating paghahanap ang nagdala ng kasagutan na kailangan sa ating buhay? Ano ang nakikita nating paglilinaw sa kanilang kalituhan na siyang naging dahilan ng ating pagkaligaw? Wala kundi pawang katahimikan ang hatid sa ating mga tenga. At ang mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong gigisingin sa
kagalingan? Bagkus tayo'y pinasaya, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, patuloy na niligaw ang nawawala at nalilitong isip ng ating sarili. Iminulat tayo sa isang maling paniniwala at isinadlak sa lubak ng kawalan ang kasagutan ng ating tanong.
At kung tayo'y mangahas humingi ng kahit maliit na pabor, ang nagiging kasagutan ay ang tayo'y iwasan at iwanan sa piling ng ating nagiisang mga sarili, hangin at katahimikan. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang mababaw na pagrereklamo  at karakarakang sinasagot ng malakas na pagtawa.
Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating sarili. Ngayon, lagi nang nababalot ang ating katauhan ng umaalingawngaw na katahimikan at pagaalinlangan, buntong-hininga at iyak ng malungkot na estudyante, dalaga't mga magulang ng mga kabataang iniligaw ng mga masasamang bisyo.
Ngayon, tayo'y maliligaw na sa nagkakalitong landas ng buhay sa mapaglinlang na mundo ng tao, sa gubat ng pangarap na tinatago ng kasakiman, na ang bawat daan ay katulad ng isang gumagapang na ugat na nagsusuot sa napakaraming lugar ng ating lupang malawak. Ngayon, lalo't lalo tayong nahahadlangan ng problemang nakalilito sa bawat taong may hinahanap na landas.
Ano ang nararapat nating gawin?
Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya'y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal.
Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan.
Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari.
Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan.
Itinuturo ng katwiran na tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo'y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Sarili.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan.
Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may isip, may lakas at patutunguhan.
Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makita ng mga naliligaw ang landas ng kanilang mga pangarap. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat hakbang natin ay lumalapit tayo at umaakyat sa pataas na hagdan ng hinaharap na sa atin ay tinatago ng mga kaaway.
Kaya, O mga knaliligawan! Ating idilat ang nabulag na kaisipan, at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa minimithing kaganapan ng hinanaharap na pinapangarap.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento